Thursday, July 23, 2009

Ang Liham ng Magulang sa kanyang Anak





Mahal kong anak,




Sa aking pagtanda...unawain mo sana ako at pagpasensyahan kapag dala ng kalabuan ng aking mata ay nakakabasag na ako ng pinggan o nakakatapon ng sabaw sa ating hapag-kainan.

Anak, huwag mo sana akong kagagalitan... Maramdamin ang isang matanda. Kinaaawaan ko ang aking sarili sa tuwing ako’y iyong sinisigawan.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko naiintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng bingi. Anak, pakiulit na lang ang sinabi mo o kaya naman anak pakisulat na lang. Pasensya ka na anak, matanda na talaga ako.

Kapag mahina na ang tuhod ko, anak, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo katulad ng pag-alalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad. Pagpasensyahan mo sana ako, anak, kung ako man ay naging makulit o paulit-ulit na para bang sirang plaka.

Basta, anak, pakinggan mo na lamang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.

Natatandaan mo ba, anak, noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo ‘yung sinasabi mo sa akin. Maghapon kang mangungulit kapag hindi ko maibibigay ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko anak ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana, anak, ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo, mahina na ang katawan ko eh. Madaling magkasakit kapag nalalamigan. At huwag mo sana akong pandidirihan.

Natatandaan mo ba, anak...noong bata ka pa pinagtitiyagaan kitang habulin hanggang sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo. Pagpasensyahan mo sana, anak, kung madalas, ako’y masungit dahil siguro sa katandaan na nga.

Alam ko anak pagtanda mo, maiintindihan mo rin ako.

Kapag may konti kang panahon, magkuwentuhan naman tayo kahit sandali lang. Please anak. Inip na inip na ako sa bahay. Maghapong nag-iisa, walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho mo. Subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakuwentuhan kang muli kahit alam kong hindi ka na interesado sa mga kuwento ko.

Anak, naalala mo pa ba noong bata ka...pinagtitiisan kong pakingggan ka at intindihan ang pautal-utal mong kuwento at ang kakulitan mo na pautal-utal mong sinasabi tungkol sa kalaruan mo.

At anak, kapag dumating na ang sandali na ako’y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman ay huwag mo sana akong pagsawaang alagaan. Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi na sa aking hinihigaan. Pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay...tutal, anak, hindi na ako magtatagal.

At kapag dumating na ang sandali ng aking pagpanaw hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan. At huwag kang mag-alala, anak, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha sa ating lahat, ibubulong ko sa Mahal na Panginoon na sana ay pagpalain ka dahil naging mapagmahal ka sa iyong Ama at Ina.


By: Fr. Jerry Orbos




Honor your father and your mother, so that your days may be long in the land that the Lord your God is giving you.